Thursday, June 7, 2007

Komiks Turned Movies

Kung magreresearch lang ako ng mas matagal at kung marami akong oras at pera, mahigit pa siguro sa isangdaan ang mahahanap kong mga pamagat ng Komiks na naisapelikula noong mga 1950's hanggang sa mga huling taon ng 1980's. Karamihan sa mga komiks na ito ay sikat pa rin hanggang ngayon tulad na lang ng Darna at Captain Barbell ni Mars Ravelo, Panday at Bakekang ni Carlo J. Caparas, Pedro Penduko ni Francisco V. Coching at marami pang iba.

Wala akong alam na Library na may mga koleksyon ng mga lumang komiks at kung meron man ay maaaring matagpuan sa mga pahina ng lumang Liwayway na mayroong kopya sa Pambansang Aklatan pero hindi na maaaring ipa photocopy dahil bukod sa luma na ito ay halos maagnas na ang mga kopya nito, konting lamukos mo lang yata ay magiging abo na pero sa kabutihang palad ay mayroon na itong Microfilm format na maaari mong magview ng mga pahina ng Liwayway ng hindi nangangati (dahil talaga namang makati sa balat ang mga naaagnas na liwayway) at maipaprint kung kinakailangan.

Nakita ko ang iba't ibang isyu ng liwayway noong 1950's at marami akong natuklasan, una, mga isandaan ang pahina ng Liwayway kumpara sa Kasalukuyan, ikalawa, marami ditong nag a advertise tulad ng CoCa Cola, Star Margarine, Tikitiki at iba pa na pawang mga malalaking kumpanya sa bansa noon, ikatlo, marami ka ring makikita tungkol sa mga lumang pelikula noon at nagpapalagay din ng patalastas tungkol sa nalalapit na pelikulang ipalalabas na kung hindi sa Life ay sa Dalisay; at huli, ilan sa mga klasikong nobelang tagalog ay dito unang nailathala gaya ng Timawa ni M.S. Martin at Titser ni Liwayway Arceo.

Nakapanghihinayang lang na hindi naitabi ng Tiyahin ko ang ilang kopya niya ng Liwayway na binabasa niya dati, noon pa. Nais ko rin sanang magkaroon ng kopya ng Liwayway at maging ng Bulaklak na nailathala noong mga 1950's hanggang 1980's.

No comments: